DILG binigyan ng 60 araw ang Metro mayors para linisin ang public roads

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2019 02:44 PM | Updated as of Jul 29 2019 07:44 PM

MANILA — Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang lahat ng mga kalsada sa taumbayan, ipinag-utos ni DILG Secretary Eduardo Año na sa loob ng 60 araw, kailangan malinis na ang lahat ng mga pangunahing kalsada.

Pinarating ito ni Año sa mga alkalde ng iba’t-ibang lungsod ng Metro Manila sa isang pulong Lunes ng umaga.

“Enough at reasonable time na ito for our local executives to implement. Mag sisimula na ito ngayong araw,” sabi ni Año. 

Simula ngayong araw, kailagan kumilos ang mga Alkalde para magampanan ito dahil kung hindi, maaari silang maharap sa karampatang parusa. 

Watch more in iWantTFC

“Preventive suspension ay 2 buwan habang umaandar ang imbestigasyon and depende kung ano ang lalabas kung 6 mos o 1 year. Depende iyan sa magnitude ng hindi niya pag sunod sa memo circular, ”paliwanag ni Año. 

Ilan sa mga lungsod sa Metro Manila ang nagsimula nang mag linis ng mga pangunahing kalsada sa kanilang mga lugar na sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko. Kabilang dito ang Maynila at San Juan. 

Ayon kay MMDA Chairman Danny Lim, kaisa sila sa pagpapatupad ng mga hakbang na ito at malaki ang magiging epekto nito sa pagpapaluwag ng trapiko sa EDSA. 

Sa ngayon, ayon kay Lim, nasa 30 percent ng mga alternative routes na itinalaga ng MMDA ay hindi rin naman nagagamit dahil sa dami ng mga illegally parked na sasakyan at mga nag kalat na vendors. 

Nagbigay din ng suporta si NCRPO Chief Police Major General Guillermo Eleazar at sinabing mag dadagdag sila ng kapulisan na roronda sa gabi at sisiguruhing hindi malulutasan ang implementasyon nito.

Sinang-ayunan din niya ang suhestiyon ni Manila Mayor Isko Moreno na bigyan ng accountability ang lahat ng sanga ng gobyerno — LGU, barangay, pulis at kung hindi matagumpay na maipapatupad ang paglilinis ng mga kalsada, lahat ay mahaharap sa suspension o pagkakatanggal sa posisyon. 

“We will provide the muscle, we will support fully out LGUs,” aniya. 

Hinikayat ni Año na i-reklamo sa hotline ng DILG (02) 9250343 ang mga barangay at opisyal na hindi makikiisa sa pag papatupad nito.