Bilang ng mga patay sa Batanes quakes nadagdagan

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2019 04:24 PM | Updated as of Jul 30 2019 02:26 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Umakyat ngayong Lunes sa siyam ang bilang ng mga nasawi sa magkasunod na lindol na tumama sa Batanes noong Sabado. 

Nahanap ng mga rescuer ang bangkay ng nawawalang si Edwin Ponce, residente ng bayan ng Itbayat, sa isang kuweba.

Natulog si Ponce sa may kuweba noong gabi ng Biyernes kaya natabunan nang gumuho ito bunsod ng paglindol noong Sabado.

"Mahirap tanggapin pero pinipilit ko," anang ina ni Edward na si Margarita. 

Nasa 2,963 tao o 911 pamilya ang apektado ng mga lindol, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Linggo. 

Aabot naman sa 63 tao ang naiulat na sugatan dahil sa mga pagyanig, ayon sa NDRRMC. Pero batay sa pagtaya ni Batanes Gov. Marilou Cayco, posible pa umanong lumagpas sa 100 ang sugatan sa kaniyang probinsiya.

Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Health na nagtamo rin ng pinsala ang mga gusali ng Itbayat District Hospital at Itbayat Municipal Health Office kaya hindi na maaaring magamit ang mga ito.

Dahil sa patuloy na aftershocks, nakararanas ng stress ang mga residente at ang iba ay tumataas ang blood pressure, ayon kay Dr. Allan Sande, chief ng Itbayat District Hospital. 

Higit 230 aftershocks na ang naitatala simula noong Sabado.

Dalawang magnitude 5 na lindol ang tumama sa Batanes noong Sabado. Ang una — isang magnitude 5.4 — ay tumama alas-4:16 ng madaling araw sa layong 12 kilometro hilagang silangan ng Itbayat.

Makalipas ang 3 oras, isang magnitude 5.9 naman ang tumama sa layong 19 kilometro mula Itbayat.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang mas malakas sa 2 lindol ang pinakamalakas na naramdaman ng Itbayat sa loob ng higit 60 taon.

Gumalaw ang lupa sa ilalim ng dagat malapit sa Itbayat, ayon sa Phivolcs.

Ayon naman sa geologist na si Mahar Lagmay, matindi ang naramdaman na pagyanig sa Itbayat dahil malapit at mababaw ang lindol.

Binisita noong Linggo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Batanes upang maghatid ng tulong para sa mga apektado ng sakuna. -- May ulat nina Jeff Canoy at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.