Anti-endo bill pinarerepaso ni Duterte: Labor chief

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2019 05:46 PM | Updated as of Jul 29 2019 08:13 PM

Watch more in iWantTFC

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Labor and Employment (DOLE) na rebisahin ang isang panukalang batas na layon sanang tanggalin ang sistemang "endo" (end-of-contract) o "labor-only" contracting, ayon sa kalihim ng ahensiya na si Silvestre Bello III.

Ayon kay Bello, partikular na pinatatalakay ng pangulo ang mga probisyon ng security of tenure (SOT) bill na tumutukoy sa kung ano ba ang "labor-only" contracting, na bawal sa batas.

"The mere fact that he allowed us to review this bill — I think it also involves reviewing the veto — so malaking bagay 'yan. It is a step forward," ani Bello. 

Nakatakdang ipresenta ng DOLE ang bagong bersiyon ng SOT bill sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Lunes.

Ayon kay Bello, pag-aaralan din nila ang mga inihaing panukala sa Kongreso.

Ni-refile o inihain muli ni Sen. Joel Villanueva nitong Lunes ang SOT bill sa Senado.

Ihahain din muli ng grupong Trade Union Congress of the Philippines ang panukala sa Kamara.

Noong Biyernes, hindi pinirmahan, o binigyan ng veto, ni Duterte ang SOT bill — isang hakbang na ikinadismaya ng ilang labor groups dahil sinira raw ni Duterte ang kaniyang pangako noong siya'y nangangampanya pa lang, at nangakong wawakasan ang "endo."

Ayon kay Duterte, nais niyang balansehin ang interes ng mga manggagawa at employer kaya siya nag-veto sa panukala. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.