Paslit, patay nang madaganan ng bakal na kinakabitan ng duyan

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2018 07:09 PM | Updated as of Jul 29 2018 10:28 PM

NAGA CITY -- Namatay ang isang 3 anyos na bata matapos itong mabagsakan ng bakal na kinakabitan ng duyan noong Hulyo 27.

Kinilala ang biktima na si Carlo Cardenas, na namatay nang mahulugan ng bakal ang pinaglalaruan nitong duyan sa talyer ng kaniyang lolo.

Kuwento ng lolo ng biktima, kasama ng batang naglalaro ang drayber ng talyer, pati na rin ang dalawa pa nitong pinsan.

Matapos ng ilang sandali ay bumigay ang duyan at nabagsakan sila ng bakal.

Naligtas ang drayber at ang dalawa pang batang nadaganan ng bakal. Pero matinding tama sa ulo ang sinapit ni Cardenas, na ikinamatay nito.

Tila wala namang sinisisi ang pamilya ng biktima at ng dalawa pang batang nabagsakan ng bakal.

"Patawarin na lang siya (drayber), wala namang may kagustuhan na mangyari 'yon," wika ng lolo ng bata.

-- Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.