Mga galon na may lamang bigas, munggo, nahukay ng mga pulis

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2018 06:16 PM | Updated as of Jul 29 2018 11:40 PM

TALAKAG, Bukidnon -- Nahukay ng tropa ng 1004th Company ng Regional Mobile Force Battalion ang 32 galon na naglalaman ng pagkain sa Sitio Dalongdong ng Barangay Dominorog sa bayang ito Linggo ng umaga.

Sa 32 galon, 28 ang may lamang bigas, dalawang galon ang may lamang munggo, habang may tig-isang galon na may lamang asukal at asin.

Ayon kay Company Commander Police Senior Inspector Zean Paul Cubil, mula sa miyembro ng New People's Army (NPA) ang mga nahukay na pagkain.

Natunton ng nagrorondang tropa ang lugar dahil sa tulong ng mga residente.

"Ito po ay sa tulong ng ating kumunidad na naging impormante natin dahil po sa ating patuloy na sinasagawa na pagkuha ng tiwala ng ating mamamayan. Sa pamamagatin sa kanila, nagbigay sila sa amin ng information at agad naman namin itong inaksyunan," aniya.

Tinatayang aabot sa higit 11 sakong bigas ang inimbak sa mga galon na hinihinalang mula sa pangingikil ng NPA sa komunidad at magsasaka sa lugar.

Dagdag ni Cubil, malaki ang magiging epekto sa NPA ng pagkakarekober sa kanilang itinagong pagkain.

"Kasi kapag nakikipaglaban po sila, lumilipat po sila sa ibang lugar at pinupuntahan po nila ito para kumain sila. So ngayon maaaring gutom na sila at maaaring makaapekto ito sa kanila sa morale ng tao nila dahil gutom na nga sila at mahirapan silang lumaban sa gobyerno," ani Cubil.

Plano ng mga pulis na ipamahagi at ibalik sa komunidad ang mga narekober na pagkain.

Malaki rin ang pasasalamat ng pulis sa tulong ng mga residente para masugpo ang armadong grupo sa kanilang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.