Lalaki patay, 10 sugatan sa karambola sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2018 07:50 PM | Updated as of Jul 30 2019 04:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang di bababa sa 10 katao matapos araruhin ng isang garbage truck ang ilang sasakyan sa Mandaluyong City nitong Sabado, Hulyo 28.

Bumangga ang trak habang nag-aabang ng stoplight ang mga tinamaan nitong mga sasakyan sa Shaw Boulevard. Sangkot sa karambola ang dalawang jeep, dalawang AUV, isang SUV, mixer truck, sedan, at pick-up.

Bukod sa nakadisgrasya, nagdulot ang aksidente ng matinding pagsikip ng trapiko sa lugar. Halos hatinggabi na nang matanggal ang mga nakahambalang na sasakyan sa kalsada.

Magsasampa ng kaso ang mga biktima laban kay Otto Remullo, na aminadong nawalan ng preno ang kaniyang minamanehong trak.

"Sana mapatawad nila ako. Kase hindi ko naman sinasadya ang pangyayari," aniya.

Payo ng mga awtoridad, laging inspeksiyonin ang sasakyan at seguruhin na hindi ito magdudulot ng aberya bago ito ilabas.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, and damage to properties ang driver.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.