PatrolPH

Itinuturong magnanakaw patay nang manlaban umano sa Davao

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2018 06:03 PM

Itinuturong magnanakaw patay nang manlaban umano sa Davao 1

DAVAO CITY - Patay ang isang hinihinalang magnanakaw matapos umanong manlaban sa mga aarestong pulis sa Sta. Ana.

Rumesponde ang pulisya sa siyudad sa impormasyon ng isa umano sa mga nabiktima ng suspek na si Judie dela Cerna.

Natunton ang hinihinalang magnanakaw sa Brgy. 22-C sa may Bakalan Boulevard.

Kukumprontahin sana ito ng mga operatiba nang magpaputok ng baril ang suspek, dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis.

Narekober mula kay dela Cerna ang bag ng biktima pati na ang mga personal nitong gamit, at isang kalibre .38 revolver.

Nakunan din umano ito ng 3 sachet ng hinihinalang shabu.

Nadala pa si dela Cerna sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.