Halos P900,000 halaga ng shabu, nasamsam sa Negros

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2018 04:12 PM

MANILA - Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P880,000 halaga ng hinihinalang shabu sa hiwalay na operasyon sa Bacolod City at Silay, Negros Occidental nitong Sabado.

Unang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency at pulisya ang P500,000 halaga ng droga sa bahay ng isang high-value target na lider umano ng isang drug group sa Silay.

Nakatakas ang suspek at ang kaniyang ama, samantalang nahuli ang kaniyang ina at live-in partner, at isa pang suspek na nasa bahay nang mangyari ang raid sa Barangay Rizal.

Nakumpiska sa lugar ang 15 pakete ng umano'y droga, mga bala, posas, at drug paraphernalia.

Sa Bacolod naman, nahuli ng mga pulis ang live-in partners na pinaniniwalaang kasapi ng isang drug group.

Nabawi ang P380,000 halaga ng 11 pakete ng shabu mula sa kanilang inuupahang bahay sa Villa Estefania Subdivision, Barangay Estefania.

Dati nang nasa illegal drugs watch list sa probinsiya ng Iloilo ang isa sa mga suspek.

-- Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.