ALAMIN: Mga inaasahang pagsubok sa Bangsamoro law ng MILF

Christian Esguerra, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2018 11:30 PM | Updated as of Jul 30 2018 10:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humihiling ng suporta mula sa kanilang mga miyembro ang pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front para sa Bangsamoro Organic Law (BOL), na ayon sa kanila ay maaaring makuwestiyon sa Korte Suprema, at maaaring sumubok sa kakayan sa pamamahala ng Bangsamoro. 

Gayunpaman, ang batas na magbibigay ng pagkakataon sa mga komunidad na Muslim na pangasiwaan ang sarili ay maaaring makatulong sa pagpuksa ng violent extremism, anila. 

Maaaring mahinto o mapatagal ng isang temporary restraining order mula sa korte ang pagpapatupad ng Bangsamoro law, na dapat ay magbibigay ng pinalawak na kapangyarihan at pinalawak na mga lugar para sa Bangsamoro sa timog ng Pilipinas, ayon kay Mohagher Iqbal, chairman ng komiteng magpapatupad ng 2014 peace agreement ng MILF sa gobyerno.

Kapag nangyari ito, maaaring maantala ang pagkasatuparan ng batas, na naglalayong palitan ang kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao ng mas makapangyarihang pamamahala para sa Bangsamoro. 

“That’s the first challenge ahead of us,” ani Iqbal sa MILF consultation ukol sa BOL sa Camp Darapanan, Maguindanao. 

Inamin ng MILF noong Sabado na magiging malaking hamon para sa kanila ang pamumuno ng bagong gobyerno sa ilalim ng BOL. 

Pangungunahan ng MILF ang transition government, na magtatagal ng tatlong taon. Ani Iqbal, magiging mas mahirap pa ang manguna ng transition government kaysa magkasa ng isang rebolusyon. 

“This is one challenge na kailangan alam nating lahat,” aniya sa higit 90 libong katao noong Sabado. 

Uunahin ng transition government ang edukasyon, kalusugan, at iba pang mga pangangailangan ng kanilang pinamumunuan, tulad ng paglikha ng mga trabaho. 

'85 percent good'

Ani Iqbal, makakatulong daw ang peace agreement ng BOL sa pagsugpo ng terorismo sa rehiyon, na naging sentro ng malawakang gulo. 

Sa ilalim ng BOL, maaaring "ma-isolate" ang mga extremist, maging ang mga dayuhang extremist groups na naninirahan sa bansa. 

“We know that extremism is penetrating more in our area because there are foreign elements trying to penetrate,” aniya sa isang press conference.

Bukod dito, inamin din nilang hindi perpekto ang naipasang batas. Marami rin kasing kongresistang kumuwestiyon sa ilang probisyon nito. 

Pero ayon kay Ghazali Jaafar, na nanguna sa pagsulat ng pinakaunang Bangsamoro Basic Law, pasado na para simulan ang pagbabago sa lugar sa pamamagitan ng batas na ito. 

“Not a perfect law for us but certainly it is a good law for us to start with,” aniya. 

Magiging hamon din daw sa kanila ang plebiscite para iratipika ang batas na ito. Ito raw ay dahil may ilang opisyal sa ibang lungsod na sakop ng BOL na tumututol sa pagpasa ng batas na ito. 

Ayon kasi sa mayor ng Cotobato City na si Cynthia Guiani, hindi magwawagi ang plebiscite ng BOL kung ngayon ito isasagawa. 

“A vote for the passage of the BOL is a question of credibility. How credible are the proponents of the BOL in bringing about peace, progress, development to Cotabato City,” aniya noong Sabado sa ABS-CBN News. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.