13 pugante sa Bacoor, naibalik na sa kulungan

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2018 07:55 AM | Updated as of Jul 29 2018 02:32 PM

MAYNILA - (UPDATE) Naibalik na sa kulungan ang 13 sa 23 inmate na tumakas sa Bacoor City Custodial Center, noong Biyernes.

Ayon kay Police Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor Police, natunton sa Meycauayan, Bulacan ang mga pugante na nahaharap sa kasong may kaugnayan pagnanakaw habang sa Brgy. 8, Cavite City naman inabangan at nahuli ang isa pa sa tumakas na preso.

Doon kasi siya bumalik matapos bumisita sa kanyang mga magulang sa Marikina.

Patuloy naman ang manhunt operations ng mga pulis upang matuton pa ang 10 pang ibang pugante.

Hindi muna papayagan ang dalaw sa Bacoor City Custodial Center matapos makatakas ang ilang preso.

Hindi muna nakakausap ng pamilya ng mga preso ang kanilang kaanak at ipinapaabot na lang ang dalang pagkain dahil sa isyu ng seguridad.

Mas hinigpitan rin ang pagbabantay ng mga pulis na naka-duty sa kulungan.

Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa pamilya ng iba pang pugante para mahikayat ang mga ito na sumuko na sa pulisya.

- Ulat nina Bianca Dava, Lyza Aquino at Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.