Tulak, buntis timbog sa operasyon kontra-droga sa Quezon City

Ron Lopez, DZMM

Posted at Jul 29 2017 08:26 AM

MANILA - Arestado ang isang babaeng nagtulak umano ng bawal na gamot, at ang isa nitong parokyanong buntis sa operasyon kontra droga sa Quezon City, Sabado ng umaga.

Naaresto si Lara Jane Juralbal, na umanong nagbebenta ng iligal na droga, sa isang buy-bust operation sa isang apartelle sa Aurora Boulevard corner C. Benitez Street, Cubao. Nahuli rin ng mga otoridad ang tatlong buwang buntis na si Janina Jaranilla, habang umanong gumagamit ng bawal na gamot.

Ayon kay Police Senior Inspector Ramon Aquiatan, hepe ng Drug Enforcement Unit ng Cubao Police Station, isinagawa nila ang operasyon matapos makatanggap ng tip mula sa isang informant na may nagbebenta ng droga sa nasabing apartelle.

Ayon sa ulat ng mga pulis, ilang linggo nang nakatigil sa apartelle si Juralbal, na agad umanong umamin na nagbebenta siya ng bawal na gamot.

Nakuha kay Juralbal ang drug paraphernalia, at aabot sa 11 sachet na may lamang materyal na pinaghinalaang methamphetamine hydrochloride o "shabu", na tinayang may halagang P8,000. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.