Pacquiao, binisita ang mga sundalo sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2017 07:01 PM

Bumisita si Senador Manny Pacquiao ang mga sundalo sa Marawi nitong Sabado ng umaga.

Mula sa private helicopter, lumipat ang Philippine Army reservist na Lieutenant Colonel na si Pacquiao sa military chopper at maagang lumipad papuntang Kampo Ranao sa Marawi City.

Sinalubong naman siya ng mga opisyal at daan-daang sundalo. 

Pinasalamatan at tinawag na Pacquiao na tunay na bayani ng bayan ang mga sundalong nakikipaglaban sa mga terorista.

"Kumbaga sa boxing, last three rounds na lang, huwag tayo magmenor. Hanggang sa last round, tapusin natin ang laban," ani Pacquiao. 

Pabiro ring sinabi ni Pacquiao na kahit siya ay hindi magdadalawang-isip na sumama sa labanan.

"Kung pwede maiimbitahan sa nagpuputukan na 'yan, hindi ako magdalawang isip na samahan kayo,” ani Pacquiao. “Kaya lang, kung isama niyo ako at may nangyari sa akin, wala na kayo mapanood sa itaas ng ring." 

Dinaramdam naman ng Senador ang pagkamatay ng mga sundalong ibinigay ang buhay sa pagdepensa sa bayan.

Nangako rin si Pacquiao na tutulong siya na mapondohan ng gobyerno ang dagdag na benepisyo at gamit pandigma para sa mga sundalo. 

Matapos bumisita sa Marawi, pinuntahan ni Pacquiao ang aabot sa 100 sugatang sundalo na naka-admit ngayon sa Camp Evangelista Station Hospital sa Cagayan de Oro. 

Ayon kay Techincal Sgt. Rex Guillermo ng Marines, masayang masaya siya dahil sa pagdalaw ng idolo. 

Nagkaroon din ng pagkakataon na makapag-papicture at selfie ang mga sugatang sundalo kay Pacquiao.
 

AFP: Labanan, mas magiging madugo sa susunod na linggo

    
Samantala, ayon sa militar, nagtatago pa rin sa mga masjid ang mga natitirang miyembro ng Maute at mga bihag kaya inaasahan na ang mas matinding labanan sa mga susunod na araw.

Higit 100 na ang mga sundalong namamatay sa patuloy na bakbakan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at Maute group.

Pero sa nakalipas na dalawang araw, nakuha na ng First Marine Brigade ang Mapandi Area at nasa dalawang barangay na lang umano ang sentro ng bakbakan. 

-- Ulat nina Ron Gagalac at Kori Quintos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.