Mag-amang 'siga', nasangkot sa krimen

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2017 03:50 PM | Updated as of Jul 29 2017 03:52 PM

Matunog ang pangalan ng mag-amang sina Efren at Jayvee ''Balong'' Agustin sa Brgy. 381, Zone 38 sa Sta. Cruz, Maynila dahil makailang beses na silang na-report at naitala sa blotter bagaman isang taon pa lamang sa lugar.

“Kabago-bago, siga-siga,” ani Elmer Biazon, barangay chairman sa lugar.

Dahil sa masamang reputasyon ng mag-ama, madalas umano silang iwasan ng mga residente.

“Hindi siya mahilig lumabas ng bahay pero nasa loob 'yung kulo niya. Nang-aaway, mainitin din ang ulo,” kuwento ng kapitbahay nila na si alyas 'Patty'.

“Umiinom sila [ng kanyang kaibigan noong isang gabi]. Kinabukasan ko na lang nalaman na hinabol niya pala 'yung kainuman niya ng panaksak,” dagdag niya.

Mas matindi anila ang pag-uugali ng 20-anyos na si Jayvee.

Ayon kay alyas 'Jason', napag-tripan siya ni Jayvee matapos siyang tumanggi sa alok nito na uminom ng alak.

“Sinampal nila ako. Hindi po ako lumaban. Diretso pa rin po ako, tapos tinutulak po ako,” kuwento ni 'Jason'. “Pinagtulungan po nila ako tapos pinagtatawanan po ako ni Balong kasi bumagsak po ako doon sa gutter.”

Banggit naman ng ibang residente, laging kinukunsinti ng amang si Efren ang kanyang anak tuwing masasangkot ito sa gulo.

Pero umabot na sa sukdulan at nauwi sa isang madugong sagupaan ang pagiging marahas at mapusok ng mag-ama.

Noong Disyembre 10, 2016, sapul sa CCTV ang pag-abang ng mag-ama sa isang grupo ng mga kalalakihan sa kanto ng Bulacan Street. 

Maya-maya pa, isang matinding gulo sa pagitan ng mag-ama at ng grupo ang sumiklab.

Ano nga ba ang kinasangkutang gulo ng mag-ama? Subaybayan ang buong kuwento ngayong Sabado sa 'SOCO' (Scene of the Crime Operatives) pagkatapos ng 'Ipaglaban Mo!' sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.