Lalaki, sugatan sa banggaan ng motorsiklo at kotse sa Quezon City

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2017 09:05 AM

MANILA - Isang lalaki ang sugatan sa banggaan ng motorsiklo at kotse sa Elliptical Road, Quezon City, Sabado ng umaga.

Nagtamo ng sugat sa paa ang lalaking kinilalang si Robel Arceo, 33 anyos at residente ng Barangay Bagong Silang, Caloocan City.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ni Arceo ang Elliptical Road sakay ng kanyang motorsiklo nang bigla umanong kumanan ang isang Honda City, at bumangga sa kanyang sasakyan.

Nawasak ang gilid na bahagi ng motorsiklo ni Arceo. Tumilapon din siya mula sa sasakyan, at aniya, hindi naman nagtamo ng malubhang sugat sa ulo dahilan ng suot nitong helmet.

Nawasak din ang unahang bahagi ng kotse, at nabutas ang gulong nito.

Ayon sa nagmamaneho ng kotse na tumangging pangalanan ng ABS-CBN News, dahan-dahan siyang lumiko palabas sa Visayas Avenue, at si Arceo umano ang mabilis ang takbo.

Agad namang nakaresponde ang Rescue Team ng Quezon City Government at nalapatan ng paunang lunas si Arceo bago ito dalhin sa ospital.

Dinala naman ang kotse sa Traffic Sector ng pulisya. Kasalukuyang inaalam ng mga otoridad kung sino nga ang dapat managot sa insidente. -DZMM
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.