'Gorio', palabas na bukas; bagong bagyo, maaaring pumasok sa bansa

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2017 06:40 PM

Tropical storm na ang binabantayang tropical depression na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility, Linggo ng hapon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Samantala, tinatayang lalapag ang bagyong 'Gorio' sa Taiwan bandang alas-6 ng gabi ng Sabado, at tuluyang lalabas sa bansa nang Linggo ng umaga. 

Sa susunod na 24 oras, magiging maulan pa rin sa Ilocos region, Cordillera, Bataan, at Zambales dahil na rin sa pinag-ibayong Habagat, ayon sa ulat ng PAGASA. 

Magkakaroon naman ng maulap na kalangitan na may mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa Gitnang Luzon at Cagayan Valley. 

Bahagyang magiging maulap naman na may panaka-nakang pag-ulan at pagkidlat sa Metro Manila. 

Hindi rin pinapayagang maglayag ang maliliit na sasakyang pandagat sa karagatan ng Hilagang Luzon at kanlurang baybayin ng Gitna at Timog Luzon. 

Huling namataan si 'Gorio' 360 kilometro sa hilaga ng Basco Batanes. May lakas ng hangin ito na umaabot ng 145 kilometro kada oras, at bugso ng hanging umaabot ng 180 kilometro kada oras. 

Kumikilos naman ito ng pahilagang kanlurang sa bilis na 19 kilometro kada oras. 

Tinataya namang lalabas muna sa bansa ang bagyong 'Gorio' bago pa man makapasok ang tropical storm na may international name na 'Haitang'. Sa oras na pumasok ito sa bansa, tatawagin itong 'Huaning'.

Pag-iibayuhin din ni 'Haitang' ang hanging Habagat na makaaapekto sa kanlurang bahagi ng Hilaga at Gitnang Luzon. 

Huli itong namataang nasa 370 kilometro kanluran ng Laoag, Ilocos Norte. May taglay itong hangin na umaabot sa 90 kilometro kada oras, at pagbugso ng hangin na umaabot sa 115 kilometro kada oras. Kumikilos naman ito nang pahilagang silangan sa bilis na 20 kilometro kada oras. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.