3 patay, 1 nawawala sa paglubog ng bangka sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2017 10:21 PM

Tatlo ang patay at isa ang nawawala matapos lumubog ang isang bangka sa baybayin ng Sitio Dibinisa sa Barangay Didaddungan, Palanan, Isabela Biyernes ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Mylene Silva na residente ng Bataan, Joel Tuppil at Dimasalang Valenzuela na kapwa taga-Cauayan City, Isabela.

Patuloy na hinahanap si Ronald Silva na residente rin ng Bataan.

Ayon kay Senior Inspector Mariano Manalo ng Palanan Police, sakay ng MB Jamil passenger boat ang 51 pasahero, 5 crew at kapitan ng bangka.

Galing ang bangka sa Barangay Culasi, Palanan, Isabela at patungong Dilasag, Aurora Province pero bago pa makarating ay bigla na lamang tumaob ito dahil sa mataas na alon. 

Nailigtas ang 53 katao, kabilang ang mga crew at kapitan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.