DILG chief: May prima facie laban sa 2 'narco cops'

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2016 05:20 PM

Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Mike Sueno na mayroon ng prima facie evidence na nakita ang probe team ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa dalawa sa tatlong active police officers na iniimbestigahan ngayon dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa illegal drugs.

Ang tatlong active police officers na sangkot umano sa illegal drugs ay sina Police Director Joel Pagdilao, Chief Superintendent Edgardo Tinio, at Chief Superintendent Bernardo Diaz.

Ayon kay Sueno, may mga ebidensiya na silang nakuha mula sa dalawang heneral, pero sa isa pang heneral, nagpapatuloy pa ang pag gather nila ng mga ebidensiya dahil sa labas ito ng Metro Manila.

Binigyan pa ng 10 araw ang mga imbestigador para makakuha ng sapat na ebidensiya sa nasabing isa pang heneral.

Sinabi ni Sueno, dahil may prima facie evidence na laban sa dalawang heneral ay pwede ng sampahan ng kaso ang mga ito sa korte.

Tumanggi munang pangalanan ni Sueno ang dalawang heneral.