PatrolPH

Environmental group nagbabala vs toxic lipsticks

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2022 02:53 PM

Nagbabala ngayong Huwebes ang environmental group na EcoWaste Coalition laban sa mga toxic lipstick na nabibili sa halagang P10 hanggang P50.

Kinuhanan ng sample at sinuri ng grupo ang 296 lipstick na binebenta sa merkado, at lumabas dito na 95 ay may 42.6 porsiyentong laman na lead habang 25 porsiyento naman ang nakitang may arsenic at cadmium.

"Nakakabahala ang napakataas ng lead o tingga, ginagamit 'yan sa batteries," sabi ni Dr. Geminn Louis Apostol, lead environmental health specialist ng Ateneo School of Medicine and Public Health.

Kapag naipon sa katawan, maaari aniya itong magdulot ng chronic lead poisoning, kung saan puwedeng makaranas ng pananakit ng tiyan.

Maaari ring magdulot ang lead ng problema sa dugo at pamamaga ng utak.

Nabatid ng grupo na ang iba sa mga produkto ay binebenta sa online shops.

Nanawagan si EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero sa Bureau of Customs na higpitan ang customs control para hindi makapasok ng bansa ang mga nakakalasong cosmetic products.

Pinayuhan din ni Lucero ang publiko na beripikahin muna kung may certification mula sa Food and Drug Administration ang mga produkto bago bilhin.

"Basahin mabuti ang impormasyon sa mga etiketa... Bawasan ang madalas na paggamit ng lipstick para maiwasan [ang] direct exposure," ani Lucero.

Binitawan ang babala 1 araw bago ipagdiwang ang National Lipstick Day.

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.