PatrolPH

Sagip Kapamilya: Relief packs hatid sa mga nasalanta ng baha sa Naujan

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2021 08:07 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Humina na ang pag-ulan sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro. Pero hindi pa humuhupa ang tubig na umapaw mula sa katabing ilog ng Barangay Arangin.

Puspusang pagtanggal ng makapal na putik ang hinaharap ngayon ni Marites Casao sa paghupa ng hanggang dibdib na baha sa loob ng kanilang bahay. 

Dumagdag pa sa kaniyang pangamba ang lindol noong nakaraang Sabado, na naramdaman din sa kanilang bayan. 

"Natakot po kami, kasi baka po, di ba naglindol po, baka tubig na naman ang kasunod, tapos malalim pa, hindi namin alam kung saan kami pupunta. 'Yung iba po naming mga hayop nagkandalunod, mga manok, 'yung baboy namin nakita na lang namin doon," ani Casao. 

Nalubog din sa putik ang mga taniman sa Naujan. Ayon sa magsasakang si Modesto Navarro, huli niyang naranasan ito 6 ang taon na nakaraan sa pananalasa ng Bagyong Nona. 

"Mainit 'yang putik na 'yan sa halaman, namamatay siya, siguro mga dalawa, tatlong taon bago naka-recover, kaya hindi na ulit matamnan 'yan ng halaman. Pag hinukay mo 'yan putik pa rin 'yan tapos ngayon nasundan ulit, paano ulit magsisimula, taon ulit ang bibilangin hindi naman bukas okay na," ani Navarro. 

Madalas bahain ang Barangay Arangin, ayon sa mga residente, kaya daing nila ngayon ang pangmatagalang solusyon. 

"May malaking ilog diyan, kada baha bubutasin dito sa amin, dito dadaan," ani Navarro. 

Dahil wala ring mapagkukuhanan ng pagkain ang mga taga-Barangay Arangin ay nagdala ang ABS-CBN Foundation ng bigas at mga de-latang pagkain. 

May mga suplay din ng hygiene kits, alcohol, mask, at mga damit. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.