MAYNILA — Walumpu't dalawang pulis mula sa Talipapa police station ng Quezon City Police District (QCPD) ang nagpositibo sa COVID-19 nitong Miyerkoles at 51 sa kanila ay natuklasang dineploy pa sa State of the Nation Address (SONA) noong Lunes kahit wala pang resulta ang kanilang swab test.
Ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit, Biyernes na-swab test ang 161 pulisya ng istasyon.
"Merong 3 nagkaroon ng history ng symptoms sa mga na-swab. Possible isa sa kanilang may sintomas ang nag-spread sa mga police station," ani Dr. Rolly Cruz, hepe ng QC epidemiology and surveillance unit.
Sa ngayon ay hindi pa isinasailalim sa lockdown ang Talipapa police station, maging ang 2 police community precinct.
Problema umano ang pag-contact trace sa mga nakasalamuha ng mga pulis na nagbantay sa SONA protest.
"Test was made July 23, SONA was July 26... Alam natin nakapuwesto sila sa UP Technohub at UP Kinetics," ani QCPD director Brig. Gen. Antonio Yarra.
Nang tanungin si Yarra bakit naka-deploy ang mga pulis kahit di pa lumalabas ang resulta ng swab test nila: "Fully vaccinated sila," katwiran ng hepe.
Paulit-ulit na pinaaalala ng mga ekspero na nakapanghahawa pa rin ng COVID-19 ang mga bakunado.
Binatikos naman ng dating mambabatas na si Teddy Casiño ang QCPD dahil sa pagpapadala nito ng mga "COVID-19 suspect" na mga pulis sa SONA kung saan libo-libo ang raliyista.
"Panay warning n'yo sa mga raliyista na sumunod sa health protocols, yun pala pulis mismo ang lumabag. Di ba ang protocol, self isolation habang naghihintay ng swab test results? Bakit dineploy n'yo pa sa SONA?" pagtataka ni Casiño.
Giit pa niya, dapat namagot ang pulisya sa umano'y "sinadyang" pag-deploy ng mga ito.
"The PNP's deliberate deployment of suspected Covid-19 carriers to the SONA rally put in danger not only their fellow cops but the rally participants as well. It was a blatant violation of health protocols. May dapat managot dito."
—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV Patrol, TV PATROL TOP, QCPD, QC, pulis, pulisya, PNP, Philippine National Police, SONA, #SONA2021, Sona 2021, COVID-19 suspect, SONA rally