PatrolPH

Pinay boxer Nesthy Petecio mag-uuwi ng ika-2 Olympic medal ng Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2021 07:54 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Sa unang pagkakataon mula 1932, may higit sa isang medalya mula sa Olympics ang Pilipinas. 

Ito ay matapos manalo ang Pinay boxer na si Nesthy Petecio sa quarter finals ng women's featherweight class sa Tokyo Olympics. Kaya may garantiya nang makukuhang medalya si Petecio. 

Dahil dito, sa Tokyo Olympics makukuha ng Pilipinas ang unang pagkakataon na magkaroon ng higit sa isang medalya sa loob ng 86 taon o mula 1932. 

Nauna nang napanalunan ng weightlifter na si Hidilyn Diaz ang unang Olympic gold medal sa kasaysayan ng Pilipinas nitong Lunes. 

Si Petecio rin ang unang manlalaro na mag-uuwi ng Olympic medal sa bansa sa female boxing, at ang unang boxer na mananalo ng medalya sa loob ng 25 taon - mula noong nasungkit ni Onyok Velasco ang silver medal sa 1996 Atlanta Olympics. 

Tinalo ni Petecio, na tubong Davao Del Sur, si Yeni Marcela Arias, ang Colombian boxer na tumalo sa kaniya sa 2018 World Championships, sa bisa ng unanimous decision. 

PAMILYA NAGBUNYI 

Tinutukan ng pamilya ni Netecio mula sa Sta. Cruz Davao Del Sur ang laban ng boksingera. 

Napasigaw at naiyak na lamang ang kaniyang ama na si Teodoro sa nakamit ng anak. Napayakap na lang sa kaniya ang asawa na si Prescella. 

"Di ko masabi. Kaba, takot. Napakasarap, sir. Masarap sa damdamin ko na naituloy sa anak ko ang pangarap ko po. Sabi niya mahirap na mahirap kami noon, balang araw maahon niya kami sa hirap. Ito na po 'yun, sir," ani Teodoro, na minsang nangarap na makatapak sa entablado ng Olympics. 

Bata pa lang ay si Nesthy na ang breadwinner ng pamilya. Hindi sang-ayon dati si Teodoro na sumabak sa boxing si Nesthy dahil babae. 

Pero nang makita ang galing at potensiyal sa sport ay buong-buo ang naging suporta niya at ng pamilya. 

Pati ang kaniyang mga kapatid, nauwi rin sa boksing. 

Sigurado na ang bronze pero umaasa ang pamilya na masusungkit pa ni Nesthy ang ginto. 

Sa Hulyo 31 ang schedule ng semifinal match niya laban sa Italy. 

Agad namang tinawagan ni Nesthy ang kaniyang pamilya matapos ang pagkapanalo. 

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.