PatrolPH

Paghihiganti motibo umano sa pagpatay sa lalaki sa Camarines Sur

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2021 05:00 PM

Paghihiganti motibo umano sa pagpatay sa lalaki sa Camarines Sur 1

Binawian ng buhay ang isang 54 anyos na lalaki sa pagamutan matapos na bugbugin at paluin ng kahoy sa ulo at mukha sa bayan ng Tigaon sa Camarines Sur, Martes ng gabi.

Sa report ng pulisya, naglalakad pauwi ang biktimang si Jerry Clariño sa Barangay Libod nang lapitan ng suspek na kinilalang si Edmar Panuelos.

Tinanong umano ng suspek kung bakit pinatay ng biktima ang ama nito, may ilang taon na ang nakalipas.

Pero hindi na nakasagot ang biktima dahil bigla itong sinuntok ng suspek.

Nang matumba, pinagpapalo pa ang ulo at mukha nito ng kahoy.

Paghihiganti ang nakikitang motibo ng awtoridad sa insidente.

Agad namang sumuko sa pulisya ang suspek matapos ang insidente.
 
Inaalam na rin ng awtoridad ang sinasabing insidenteng pagpatay ng biktima sa ama ng suspek.

Nahaharap naman ngayon sa kasong murder ang suspek.

- Ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.