PatrolPH

Higit 1,000 residente sa Marikina lumikas dahil sa pagtaas ng tubig

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2021 04:53 PM

Higit 1,000 residente sa Marikina lumikas dahil sa pagtaas ng tubig 1
Sa H. Bautista Elementary School lumikas ang mga residente ng Barangay Tumana. ABS-CBN News

MAYNILA - Hindi bababa sa 1,000 katao o katumbas ng nasa 250 pamilya ang inilikas sa Marikina bunsod ng pagtaas ng tubig sa Marikina River dulot ng patuloy na pag-ulan. 

Sa H. Bautista Elementary School, lumikas ang mga residente ng Barangay Tumana, kung saan nasa 1,199 indibidwal ngayon ang nananatili. 

Kasama sa mga lumikas si Juan Martos, na agad ikinarga ang mga gamit sa sidecar ng negosyo niyang ice scramble. Dala niya rin sa evacuation center ang mga alagang aso. 

Aniya, ang karanasan niya sa mga baha noong bagyong Ondoy noong 2009 at Ulysses noong nakaraang taon ang nagtulak sa kaniya na agad nang lumikas. 

"Sa mga naging karanasan ko po eh ano eh, kailangan kong maging automatic sa akin ang lahat para maiwasan ko po 'yung pagkasayang ng mga kagamitang ito na ipinundar ko," ani Martos. 

Kasama ni Martos sa silid ang tatlong iba pang pamilya. 

Ayon sa camp manager na si Dr. Mon Viliran, hindi na kailangang puwersahiun ang mga residente ng barangay na lumikas. 

"'Yung mga taga-Tumana, ano na po sila, alerto na po sila sa anung 'yun, level na 'yun. Ang nangyayari ho, preventive evacuation. So aakyat na po sila, dito po sa school," aniya. 

Limang pamilya aniya ang pinapayagan nila sa isang kuwarto. 

 

 

Magmula alas-2:23 ng hapon nitong Miyerkoles ay nasa unang alarma ang Marikina River, na sa ngayon ay may water level na 15 metro. Bahagya itong bumaba nang 0.1 metro magmula alas-1:20 ng hapon. 

Noong sabado ay lumikas din ang mga maraming residente sa Marikina dahil umabot sa ikalawang alarma ang lebel ng tubig sa gitna ng tuloy-tuloy na pag-ulan. 

— Ulat ni Jorge Carino, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.