PatrolPH

Health workers, laborers dismayado dahil 'walang napala' sa SONA 2021

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2021 08:45 PM

MAYNILA — Maraming manggagawa ang dismayado dahil sa kabila ng napakahabang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa huling SONA niya noong Lunes, hindi niya tinalakay ang isyu ng 'endo,' problema sa sahod, at benepisyo ng health workers.

Ilan sa mga dismayado sina Mark Lloyd Varilla at Gilbert Quilang na nangutang pa ng pamasahe papuntang QC para i-follow up ang reklamo sa dating employer.

Basta na lang daw kasi silang sinibak sa kabila ng 5 taong pagtitiyaga bilang kontraktuwal.

Kaya noong SONA, kasama sila sa mga umasa na tatalakayin ni Duterte ang pangakong wawakasan ang kontraktuwalisasyon sa bansa.

"Dismayado siyempre, eh di nabanggit 'yung 'endo,' 'yan ang inaasahan ngayon ng mga manggagawa... 'Flinoating' kami, tinanggal maski singkong duling walang nakuha," hinaing ni Varilla.

Taong 2019 nang i-veto ng Pangulo ang panukala Security of Tenure Act dahil sa posibleng epekto sa employers.

Ni-refile ito sa Senado at hinihiling ni Labor Secretary Silvestre Bello na i-certify as urgent.

Pero dahil walang banggit sa SONA, tingin ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ay biktima na naman ng mapait na biro ang mga manggagawa.

"Parang doble-insulto 'yon sa mga manggagawa dahil sino ba ang nangako? Masakit na biro 'yon lalong lalo na sa panahong ito ng krisis," ani Zarate. 

Hindi naman nakaligtaang pasalamatan ng Pangulo ang mga frontline worker na patuloy na sumasabak sa pandemya.

Pero tanong ng Alliance of Health Workers (AHW), bakit hanggang ngayon, nagtitiis pa rin sila sa maliit na sahod, atrasadong benepisyo at pagiging kontraktuwal?

"Talagang ipinagmalaki niya na dinoble niya ang sahod ng mga kapulisan... Humaharap kami sa pandemya na ito, sa kalaban na hindi namin nakikita. So dapat dinoble din niya ang sahod namin," hinaing ni Robert Mendoza ng AHW.

Matatandaang sinabi ng Pangulo na dadagdagan pa niya ang mga benepisyo sa sundalo at pulis, pero walang binanggit na dagdag bayad sa mga health care workers.

—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.