PatrolPH

Dalagita nalunod sa ilog sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2021 07:43 AM

Nalunod ang isang 13 anyos na dalaga habang naliligo sa ilog sa Barangay San Simon sa Dinalupihan, Bataan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Dinalupihan Police, nagkayayaan umano ang mga kaibigan ng biktima na maligo sa ilog nitong Lunes pero dahil malakas ang agos ng tubig dulot ng patuloy na pag-ulan, isa sa mga kaibigan ng biktima ang nadala ng agos. 

Sinaklolohan ito ng biktima at nasagip pero ang biktima naman ang siya umanong nalunod.

Nagsagawa ng search and rescue operation ang awtoridad at nitong Martes ng hapon natagpuan ang katawan ng biktima na nabaon sa putik na kaniyang pinaglunuran.

Kinilala ang biktima na si Janica Jane Borbor na residente rin ng Barangay San Simon.

Payo ng awtoridad sa mga magulang, bantayan maigi at gabayan ang kanilang mga anak lalo na sa ganitong mga sitwasyon ng pagragasa ng matitinding ulan at bagyo, bukod pa sa nararanasang COVID-19 pandemic.


- ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.