Tuloy ang paghahatid ng balita ng TV Patrol matapos ibasura ng komite sa Kamara ang hiling na prangkisa ng Kapamilya network noong Hulyo 10, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MAYNILA — Pangarap ng incoming third year communications student na si Ryan Correa na makapag-internship o makapagtrabaho sa ABS-CBN.
Inspirasyon aniya sa pagkuha ng kurso ang mga kuwentong ibinahagi ng Kapamilya network na naka-ugat sa karanasan ng mga mamamayan.
Kaya dismayado si Correa nang ibasura ng House committee on legislative franchises nitong Hulyo ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong prangkisa, dahilan para permanento na itong mawala sa free TV.
"It made me worry po about my future. Kasi with what happened, na 11,000 people, all those jobs in just one snap, one click, it was all taken away from them," ani Correa.
Nanghihinayang naman ang incoming third year film student na si Kim Gonzales sa napipintong pagsasara ng film restoration unit ng ABS-CBN, na epekto din ng hindi pag-renew sa prangkisa ng network.
"Ang mga pelikula kasi na ito, tulad ng sa 'Himala,' ito 'yong salamin ng realidad ng lipunan noong panahon na ginawa ito... Mahalaga itong mapag-aralan ng mga mag-aaral," sabi ni Gonzales.
Para kay Fernando Austria Jr., propesor sa Department of Broadcast Communication ng University of the Philippines, isang kawalan ang mga nagsarang programa ng ABS-CBN sa mga pagpipilian ng mga estudyante para sa internship program.
Ito ay kahit mayroon naman umanong sariling radio station at online video production ang departamento.
"Ang top choice ng mga estudyante natin (for internship) ay ABS. Alam mo bakit? Kasi may konkretong programa eh. Pagdadaanan nila lahat ‘yong mga different offices in the network. ‘Yan ang hanga naman ako sa ABS. Mayroon talagang program for internship," ani Austria.
Kawalan din ng pang-internship ang ikinalungkot ni Angeli Diaz, chairperson ng Department of Communication sa De La Salle University.
"Maganda yung assessment ng internship. Marami silang natututunan," ani Diaz.
"Ang nanghihinayang lang kami is, wala nang ganoong opportunity. Kasi maganda nga ‘yung karanasan nila sa ABS-CBN," dagdag niya.
Inaalala rin ng ilang communication at journalism professors ang negatibong epekto ng ABS-CBN shutdown sa mga trabaho para sa kanilang mga estudyante.
"The closure of ABS-CBN will have an impact down the road on our graduates. I think the impact would be on the labor market and the spill over effects of the closure of ABS-CBN on the other industries, allied industries, for example, advertising, marketing," ani Felipe Salvosa II, coordinator ng journalism program sa University of Santo Tomas.
"The number of workers that will be laid off will also add to the ranks of the job seekers," dagdag ni Salvosa.
"Pag alisin mo ang ABS-CBN, malaking void ‘yun. Kasi malaki ‘yong network na ‘yan eh. Hindi lang sa TV, pati sa radyo. Tandaan natin, ‘yong TV at radio nila... May mga stations nationwide. ‘Yung mga students natin galing probinsya... they’d rather work where they came from," sabi naman ni Austria.
Pero may iba pa namang pagpipiliang trabaho ang communication graduates.
Bukod sa media organizations at advertising companies, may mga nagtatrabaho rin bilang bahagi ng communication team ng pribadong kompanya, ahensiya ng gobyerno, non-government organizations, call centers, at may mga nagpapatuloy ng pag-aaral para maging abogado.
Gayunpaman, naniniwala naman ang mga estudyanteng tulad nina Correa at Gonzales na kailangan ipagpatuloy ang panawagan sa pagbabalik ng ABS-CBN sa ere.
Hindi lang umano para sa sariling pangarap at karera kundi para sa mas malaking usapin ng malayang pamamahayag.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, communication, communication education, journalism, journalism education, film, film studies, University of the Philippines, De La Salle University, University of Santo Tomas, ABS-CBN franchise, ABS-CBN franchise denial, ABS-CBN franchise rejection, press freedom