PatrolPH

Residential building sa Muntinlupa, isasailalim sa 'extreme quarantine' dahil sa mga kaso ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2020 05:49 AM

Watch more on iWantTFC


MAYNILA - Isang residential building sa Muntinlupa City ang isasailalim sa dalawang linggong lockdown dahil sa tumataas na bilang ng COVID-19 sa naturang gusali.

Ayon kay Mayor Jaime Fresnedi, ilalagay sa "extreme localized community quarantine" ang Building 2 sa Filinvest Socialized Housing sa Barangay Alabang. 

Magsisimula ang lockdown Martes ng tanghali hanggang August 11.

Ani Fresnedi, nakaka-alarma na ang sitwasyon dahil may 14 na active cases ngayon sa gusali at posible pa umanong dumami dahil dikit-dikit lang ang mga units sa gusali. 

Nasa high risk din ang nakatira sa gusali na karamihan ay mga bata, senior citizens, at mga buntis. Ang Building 2 ay may 52 pamilya o nasa 200 indibidwal. 

Sa dalawang linggong lockdown, hindi pwedeng lumabas ng gusali ang mga residente. Bibigyan sila ng pagkain ng lokal na pamahalaan at magsasagawa rin ng testing. 

Samantala, ang Planas Compound sa Barangay Tunasan, Muntinlupa ay ilalagay sa 24-hour curfew ng dalawang linggo. Pareho rin ito sa lockdown pero papayagan lumabas ng bahay ang mga bibili ng essential goods at mga nagtatrabaho. 

Sa kabuuan, may 1,106 na COVID-19 cases ang nakumpirma sa Muntinlupa, at 558 dito ay active.--Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.