PatrolPH

MODUS: Mga kawatan nagpapanggap na food delivery riders bago magnakaw

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2020 08:07 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nakuhanan ng CCTV camera sa Maynila at Quezon City ang pag-atake ng mga kawatang modus umano ang pagpapanggap bilang motorcycle riders ng food delivery service.

Sa kuha ng CCTV noong Hulyo 23 sa Malate, Maynila, mapapanood ang isang rider na may insulation bag sa motorsiklo na pareho sa isang food delivery service.

Inikutan ng umano'y rider ang 2 sasakyang nakaparada sa parking lot ng isang restoran at sinilip ang parehong kotse.

Tila may kinuha sa loob ng insulation bag ang umano'y rider at binasag ang salamin ng SUV.

Dumukwang sa bintana ang umano'y rider, at kinuha ang cellphone at wallet sa loob ng sasakyan.

"Binasag 'yong bintana, nag-alarm 'yong kotse saka napansin noong bantay... na may pumasok na tao at basag na 'yong salamin," ani Leticia Yang, chairperson ng Barangay 575 sa Malate.

Sa isang pahayag, sinabi ng Grab na alam nila ang kumakalat na video ng rider pero wala raw plate number ang motorsiklo nito at hindi rin nila makilala.

Ayon sa Grab, mahigpit ang proseso ng pagtanggap nila ng delivery partners.

Makikipagtulungan umano ang Grab sa mga awtoridad at kung mapatutunayang rider nila ang salarin ay aaksiyon agad sila para mapanatili ang kaligtasan at integridad ng kanilang serbisyo.

Sa kuha naman ng CCTV ng Barangay Bungad sa Project 7, Quezon City noong Hulyo 24, makikitang kumaripas ang mga miyembro ng "Gapos Gang" na nanloob ng isang bahay.

Ayon kay Lt. Col. Ritchie Claravall, commander ng Masambong police station, nagpanggap na food delivery rider ang kawatang unang kumatok sa bahay.

"Pinasok nila 'yong isang bahay, 5 sila... noong binuksan, tinutukan agad noong pinaka-team leader [ang biktima]," ani Claravall.

Iginapos umano ang mga biktima saka nilooban ang bahay.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang mga insidente.

Ayon sa Food Panda, nagsasagawa na sila ng sariling imbestigasyon sa insidente.

—Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.