MAYNILA — Umabot na sa 20 ang bilang ng mga kumukuwestiyon sa Korte Suprema na sa legalidad ng Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Nitong Martes ay naghain na rin ng kanilang petition sa Supreme Court (SC) ang grupo ng mga kabataan mula pa sa Cebu City laban sa implementasyon ng naturang batas.
Sa tulong ng Free Legal Assistance Group (FLAG), inihirit ng mga miyembro ng Center for Youth Participation and Development Initiative, Cebu Normal University Organization, University of San Carlos Organization at University of Cebu Society ang paglalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa anti-terror law.
Tumatayong petitioner sa kaso ang mga miyembro ng Anti-Terrorism Council.
Una nang nagsumite ng kani-kanilang petisyon ang 19 na mga indibidwal at grupo sa SC matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Terrorism Act, na naging epektibo na noong Hulyo 18.
Kasama sa mga grupong pinakahuling naghain ng petisyon ang Alternative Law Groups Inc. (ALG), isang koalisyon ng 18 non-government organizations para sa alternative o developmental lawyering.
Ika-18 namang petitioner ang grupo ng mga obispo at mga lider ng simbahan at religious organizations sa pangunguna ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.
Pang-19 na petitioner ang grupo ng mga kababaihan sa pangunguna ng General Assembly of Women for Reforms, Integrity, Equality Leadership and Action Inc. o Gabriela.
Nauna na ring naghain ng petisyon laban sa anti-terror law sina dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at dating Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Nais pigilan ng mga grupo ang implementasyon ng naturang batas at ideklara itong unconstitutional.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, anti-terror law, terorismo, SC, Supreme Court, korte suprema, petisyon, batas, konstitusyon, anti-terrorism act of 2020, terrorism