LISTAHAN: Mga dagdag-ruta na puwedeng pasadahan ng traditional jeepneys

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2020 01:53 PM

MAYNILA — Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 17 dagdag na ruta sa Metro Manila para sa mga tradisyunal na jeep. 

Simula Miyerkoles, Hulyo 29, puwede na ring bumiyahe ang mga tsuper sa sumusunod na ruta. 

  • MCU → Sangandaan
  • Novaliches → Rizal Ave. via A. Bonifacio
  • Tandang Sora → Visayas Ave. via Quezon City Hall
  • Monumento → Paco, Obando via M.H. Del Pilar
  • Quirino Highway → Sta. Lucia
  • Crame → Cubao via Murphy
  • Crame → Q. Mart via P Tuazon, E. Garcia
  • SSS Village, Marikina → Cubao
  • Parang, Marikina → Marikina (TP) via Fortune
  • Guadalupe (ABC) → Taguig via Tipas
  • Calumpang → Cubao via P. Tuazon
  • Ayala → Guadalupe (Ibabaw) via JP Rizal
  • Libertad, Pasay → Pasay Rd.
  • Paco → Sta.Mesa Rtda via Nagtahan
  • Pier South → Sta. Ana via P. Faura
  • Navotas → Recto via Heroes Del 96
  • Gate 5 → Greenhills Shopping Center Loop

Ayon kay LTFRB-Metro Manila regional director Zona Russet Tamayo, mag-i-isyu sila ng mga QR code sa mga kalipikadong operator na dapat i-print at ipaskil sa harap ng sasakyan. 

Ito aniya ay magpapatunay na ang jeep ay awtorisadong bumiyahe. Dapat ding sumunod sa minimum health standards ang mga ito. 

“Sa mga sususnod pong araw o mga susunod hong linggo, patuloy ho maglalabas ho kami ng ruta pa,” ani Tamayo.

“Hindi ho natin mabuksan biglaan 'yan dahil nga doon sa iniingatan ho natin 'yung kalusugan ng bawat isa,” dagdag niya. 

Natigil sa pamamasada ang mga jeep gawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) lockdown para limitahan ang paggalaw ng mga tao at maiwasan ang hawahan. 

Dahil sa tigil-biyahe, may mga tsuper na nauwi sa panlilimos dahil sa kawalan ng kita. 

Nitong Hulyo ay pinayagan ang aabot sa 6,000 jeepney na magbalik-pasada pero iginiit noon ng mga transport group na hindi pa rin ito sapat. 

MGA TSUPER NAGHAHANDA

Dahil sa anunsiyo ng LTFRB, puspusan na ang paghahanda ng mga jeepney driver gaya ni Jude Recio, isa sa mga driver sa Tandang Sora Terminal. 
 
Ayon kay Recio, maglilinis na sila ng terminal ngayong araw, at sisikaping malagyan ng plastic barriers lahat ng mga jeep nila para makapamasada nang muli.

May ilang mga jeep na rin ang may plastic barriers na sa loob. 

Nagpaabot rin sila ng pasasalamat sa pamahalaan sa pagtugon sa kanilang hiling.

Tinatayang nasa halos 2,000 ang dagdag na driver ng tradisyunal na jeep ang makakapamasada na. -- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.