PatrolPH

Ilang lumahok sa online learning simulation nakaranas ng mabagal na internet connection

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2020 05:31 PM | Updated as of Jul 29 2020 07:52 PM

Watch more on iWantTFC

Nagsimula nang magsagawa ng simulation o pagsasanay ng online distance learning ang ilang paaralan, kung saan isa sa mga lumitaw na suliranin para sa mga estudyante at guro ay ang mabagal na internet connection.

Isa sa mga nagkaproblema sa internet connection sa gitna ng online class si Gerald Peña, isang incoming Grade 10 student sa Lagro High School, Quezon City.

"Nahihirapan po ako makasabay. Nahuhuli po ako sa klase," ani Peña.

"Nagkakaroon ng aberya. Medyo naka-cut kaya nahihirapan ang mga bata. Kung magagawan ng paraan ang internet connectivity kasi 'yon ang nagiging problema ng lahat," sabi naman ni Janet Dionio, principal ng Juan Sumulong High School sa Quezon City.

Pero may solusyon naman para rito, ani Dionio.

Kung matapos ang online class, puwede naman umanong makipag-ugnayan pa rin ang estudyante sa guro sa pamamagitan ng ibang paraan, tulad ng Facebook Messenger.

"Pagkatapos ng synchronous classes, nagkakaroon sila ng communciation sa Messager... So kung mayroon silang di maintindihan, puwede nilang itanong sa teacher at 'yong PowerPoint ng teacher puwedeng i-send doon," aniya.

Iginiit ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na "complementary" o pandagdag lamang ang online classes sa modular learning, kung saan natututo ang mga bata sa pamamagitan ng printed at digital modules.

"The backbone that will be used is still the modular distance learning through the printed modules or the digital format. But this will be complemented only by online, TV or radio," ani Malaluan.

Ayon kay Malaluan, dapat makausap pa rin ng mga guro ang mga estudyante nilang nakararanas ng problema sa connectivity sa online classes.

Puwede umano ito sa pamamagitan ng pagtawag, pag-text o sa Messenger.

"We encourage opportunities to still directly interact with the learners even if there are glitches," ani Malaluan.

Ayon naman sa ilang guro, natuto silang maging creative o malikhain dahil sa online classes.

"Natuto ang mga teacher na maging flexible and creative na gumawa ng mga learning materials. Sa experience ko po, masaya ang online teaching kasi na-e-engage sila, natututo sila," anang guro na si Maria Isabel Tungo.

"Ngayon maraming application ang ginagamit ang teacher para ma-engage ang mga bata at kahit papaano makuha ang atensyon," dagdag niya. 

Umabot na sa 22.1 million learner ang naka-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan, ayon sa datos ng Department of Education ngayong Martes.

Nakatakdang magsimula ang klase sa mga pampublikong paaralan sa Agosto 24.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.