Retiradong pulis, nawalan ng P2 milyon

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2019 06:10 PM

BUHI, Camarines Sur - Mahigit P2 milyon ang nawala sa isang retiradong pulis matapos manakawan ang kaniyang sasakyan Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa Buhi Police, ipinarada ng biktima ang kaniyang SUV malapit sa bahay ng kaibigan kung saan siya dumalo sa isang birthday party.

Ngunit pagbalik niya sa kaniyang sasakyan, wala na ang backpack na may lamang P2 milyon, pati ang kaniyang wallet na may lamang P25,000.

Dagdag pa ng pulisya, wala namang binasag na salamin sa sasakyan ng biktima. Naiwan umano nitong nakabukas ang mga pinto ng sasakyan.

Dala ng biktima ang malaking halaga mula sa kaniyang retirement benefits.

Walang mga CCTV sa lugar kaya hirap ang pulisya sa pagtugis sa salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.