Mga power plant sa Batanes hindi naapektuhan ng 2 lindol

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2019 10:21 AM

MAYNILA -- Walang pinsalang tinamo ang mga power plant sa Batanes matapos yanigin ng serye ng lindol ang probinsya noong Sabado.

Ayon sa ulat ng Batanes Electric Cooperative (Batanelco), may kuryetente sa mga lugar ng Basco at Sabtang islands. 

Nakahanda rin ang Itbayat Diesel Power Plant na magsimula ng operasyon kapag nag-umpisa na ang distribusyon ng Batanelco.

Nakumpleto na rin ng Batanelco ang pag-iinspeksyon sa mga lugar na direktang naapektuhan ng lindol sa Batanes, pati na rin ang mga underground na linya ng kuryente.

Samantala, patuloy naman ang pagsusuri ng Batanelco sa mga gusali sa probinsya gaya ng ospital at mga communication center.

Handa rin ang National Electrification Administration na pangunahan ang pagpapahiram ng 2 unit ng 3.5-kilowatt na generator sa Cagayan I Electric Cooperative (CAGELCO I) at Isabela II Electric Cooperative (ISELCO II).

Ayon naman sa Meralco, handa silang magpahiram ng generator kung kailangan.

Mayroon namang sapat na suplay ng krudo na tinatayang tatagal pa ng isang buwan ang Petron at 2 iba pang fuel retail otlet sa lugar.

Walo na ang bilang ng mga patay habang tinataya naman na aabot na sa 100 ang mga sugatan matapos yanigin ng serye ng lindol ang Batanes.

Ayon sa Phivolcs, nagsimula ang pagyanig bandang 4:16 ng madaling araw na naitala sa magnitude 5. Sinundan ito ng isa pang magnitude 3.2 makalipas ang 1 oras, bago naitala ang "main shock" na pumalo sa magnitude 5.9 bandang alas-7 ng umaga. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.