Lalaki patay matapos pagsasaksakin ng 5 lalaki sa Digos City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2019 11:37 AM | Updated as of Jul 28 2019 04:38 PM

Namatay sa saksak ang tricycle driver na si Gerald Generalo nitong Sabado, Hulyo 27, 2019. Photo courtesy of Digos Police

DIGOS CITY -- Patay ang tricycle driver na si Gerald Generalo matapos pagtulungang saksakin ng 5 lalaki Sabado ng madaling araw sa Rizal Street.

Naaresto ang ilan sa mga suspek na sina Kim Charlie Pomperada Catian at isang lalaking menor de edad sa tulong ng mga saksi at CCTV footage.

Ayon sa kapatid ni Generalo na si alias "Anna," nagalit umano ang grupo nina Catian matapos itong harangin ng kaniyang mga barkada at siya ang napagbuntungan ng galit.

"Ni-rescue niya sana ang kapatid niya doon sa area. Nagkataon lang na nag-resbak ang kabilang grupo. Naka-motor itong kapatid, ang isa sa mga suspek pinalo sa bote ng ulo kaya natumba tsaka sinaksak,” ani Police Lt. Col. Ernesto Castillo, hepe ng Digos City Police.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Digos City Police, nag-inuman sa isang bar ang grupo nila alias 'Anna' para ipagdiwang ang kaniyang kaarawan.

At nang malasing, nakaaway sa grupo ni alias 'Anna' ang grupo ni Cantian. Humingi ng tulong ang grupo ni Anna kay Generalo ngunit pinagtulungan na saksakin ang biktima ng grupo ni Cantian.

"Nakadungog ko nga dunggabon ang nakagunit sa motor ako man ang naggunit sa motor nidagan ko," ani Anna.

(Narinig ko na sasaksakin daw 'yung nakahawak ng motorsiklo, ako 'yung nakahawak ng motorsiklo kaya't tumakbo ako.)

Hindi na nagbigay ng pahayag si Catian habang nagsasagawa naman ng manhunt operation ang kapulisan para madakip ang 3 pang kasamahan niya na haharap sa kasong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.