8 patay sa serye ng lindol sa Batanes narekober na; halos 3,000 apektado

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2019 04:08 PM | Updated as of Jul 28 2019 06:30 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nasa 2,963 tao o 911 pamilya ang apektado sa serye ng mga lindol na tumama sa Batanes noong Sabado ng umaga, batay sa pinakahuling tantiya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo. 

Kumpirmadong 8 ang nasawi, kabilang ang isang sanggol, habang 1 pa ang pinaghahanap. 

Kinilala ang mga patay na sina Eva Valiente, 19; Fiona Valiente, 10 buwan gulang; Mary Ros Valiente, 13; Genward Mina, 31; Faustina Caan, 70; Teresita Gulaga, 76; Tito Asa, 89; at Haisley Chette Naquita, 5 araw na sanggol. 

Nasa 63 naman ang sugatan, sabi ng NDRRMC. Pero batay sa pagtataya ni Batanes Gov. Marilou Cayco, posible pa umanong lumagpas sa 100 ang sugatan sa kaniyang probinsiya.

Maaalalang nagsimula ang pagyanig bandang 4:16 ng madaling araw Sabado, na naitala sa magnitude 5. Sinundan ito ng isa pang magnitude 3.2 makalipas ang 1 oras, bago naitala ang "main shock" na pumalo sa magnitude 5.9 bandang alas-7 ng umaga. 

Pinakanasapul ng lindol ang isla ng Itbayan, kung saan naroon ang lahat ng 8 namatay. 

Binisita na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Batanes upang maghatid ng tulong para sa mga apektado ng sakuna. 

Patuloy naman ang Philippine Coast Guard, Philippine National Police, at Armed Forces of the Philippines sa pagdadala ng mga relief goods, tubig, at tent sa Itbayan island. 

NAWASAK NA LIMESTONE HOUSES

Watch more in iWantTFC

Samantala, bukod sa mga taong naapektuhan, isa sa mga pinanghihinayangan ng mga taga-Batanes ang limestone houses na tanyag sa naturang lugar. 

Sa loob kasi ng daan-daang taon, mga bahay na bato ang itinatayo ng mga Ivatan.

Maraming bagyo na ang dumaan at nalampasan ng mga bahay na bato pero tila hindi nito nakayanan ang magkakasunod na pagyanig noong Sabado.

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, bukod sa panahon pa ng mga Kastila itinayo ang mga bahay, gawa ito sa limestone na madaling matunaw at rumurupok habang tumatagal.

"With time, nagkakaroon ng pagbabago ang materyales... Marami dito gawa sa limestone. Ang limestone ay dating corals, madaling matunaw ng tubig with time. Nadi-dissolve at nagiging mas pino. Nagka-crumble with time kung galawin mo," sabi ni Solidum.

Payo ng Phivolcs sa lokal na pamahalaan at mga residente ng Batanes, sundin ang building code sa pagsasaayos sa mga nasirang istruktura.

"With time, nagbabago ang kaalaman, so hindi na angkop ang sinaunang disenyo... Dapat angkop at matibay para sa lindol," payo ng opisyal. 

Sabi ni Solidum, may paraan naman na mapangalagaan ang tradisyon at hindi maapektuhan ang mga tanawing dinadayo ng turista sa Batanes. 

"Iyun din sana ang kagandahan na ma-preserve ang historical houses... Kung limestone pa rin ang gagamitin, dapat may magandang modifications para mas maging matibay siya. Kailangan na nating maging seismic-resistant ang mga bahay."

Hanggang Linggo ng tanghali, aabot na sa 194 aftershocks ang naitala matapos ang main shock sa Batanes. —Ulat nina Ron Gagalac at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.