Pulis sugatan nang manlaban umano ang target sa buy-bust

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2018 10:31 AM

Isinugod sa Quezon City General Hospital ang pulis na nagtamo ng tama ng bala sa likod. Fred Cipres, ABS-CBN News

MAYNILA – Sugatan ang isang pulis matapos umano magpaputok ang target sa buy-bust operation, Biyernes ng gabi sa Quezon City.
 
Nagtamo ng sugat sa likod si PO1 Jonathan Peralta, 32-anyos at operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Quezon City Police District Talipapa Station.

Ayon sa paunang ulat ng pulisya, nagsagawa ng buy-bust operation ang awtoridad sa Barangay Bahay Toro para mahuli ang target na si alyas “Dekdek.”

Nakatunog umano ang target na pulis ang katransaksyon kaya’t nagpaputok ito ng baril at tinamaan si Peralta.

Nakatakas ang target ng operasyon habang dinala naman sa Quezon City General Hospital ang pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.