'Nang-agaw' ng baril: Suspek sa pagpatay sa buntis na abogado patay

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2018 02:40 PM | Updated as of Jul 28 2018 04:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Patay Sabado ng umaga ang suspek na itinuturong nangholdap at pumatay sa 5-buwang buntis na assistant special prosecutor ng Office of the Ombudsman noong Hunyo. 

Ayon kay Senior Insp. Elmer Monsalve, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng Quezon City Police District (QCPD), nang-agaw ng baril si Angelo Galvez Avenido alyas "Moymoy" habang isinasailalim sa booking procedure sa Camp Karingal.

Siya ang pangunahing suspek sa pagpatay sa abogadong si Madonna Joy Tanyag noong Hunyo 4. Pinagsasaksak si Tanyag sa sidewalk ng Barangay Vasra sa Quezon City matapos lamang bumili ng inumin. 

Batay sa inisyal na imbestigasyon, tama sa ilalim ng panga ang ikinamatay ni Avenido na dinala pa sa ospital pero idineklarang dead-on-arrival.

Ililipat na sana ang suspek sa Quezon City Jail matapos maglabas ng committment order ang korte.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin kung may pananagutan sila sa pagkamatay ng suspek.

Ayon kay Senior Insp. Elmer Monsalve ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit, isinuko na ng duty jailer na si PO2 Ramil Langa ang kaniyang service firearm na sinubukan umanong agawin ng suspek. 

Ngunit hindi pa isasailalim sa restrictive custody ang pulis dahil itinuturing na wala pa itong ginagawang mali. 

Paliwanag ni Monsalve, judgment call ang naging aksyon ni Langa dahil nalagay sa panganib ang kaniyang buhay. 

Si Langa ang nag-aasikaso sa suspek na si Avenido habang isinasailalim ito sa booking procedure hanggang sa agawin umano nito ang kaniyang baril. Nagpambuno umano ang dalawa hanggang sa pumutok ang baril at tumama sa suspek. 

—Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.