Ipinapatayong 'Bistekville' sa QC, inirereklamo

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2018 08:30 PM | Updated as of Jul 30 2019 03:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang pamilyang nakatira sa likod ng itinatayong Bistekville sa Culiat, Quezon City ang nangangambang ma-trap kapag di nalagyan ng daan palabas ang kanilang komunidad.

Ang Bistekville ay magsisilbing relocation site para sa mga informal settler ng lungsod.

Kuwento ng mga dumulog sa "Tapat Na Po," naglagay na lang sila ng tabla sa maliit na lagusan na nagsisilbing pasukan at labasan nila.

Pangamba nila, baka walang gawing maayos at permanenteng daanan na magiging delikado kapag may sakuna.

"Nakiki-usap kami na kung puwede lakihan ang daanan dito kasi pag umuulan bahang baha," ani Danilo Romano, purok lider.

Nagpadala rin ng retrato ang mga residente para ipakita ang sitwasyon sa lugar kapag umulan at bumaha.

"Katulad pag umulan, malalim ang baha sa amin...Nire-rescue na kami. San kami lalabas?" hinaing ng residenteng si Susan Parades.

Inilapit sa city hall ang pangamba ng mga residente, at paliwanag ni Quezon City administrator Aldrin Cuña, di pa daw kasi tapos ang proyekto.

"Hindi naman po tayo papayag na may makulong sa lugar [pagdating ng sakuna]," giit ni Acuña.

Nangako naman ang QC na lalagyan ng labasan ang naturang proyekto.

"Makakaasa ang mga taga-Barangay Culiat kasama ang homeowners association na kaakibat ng proyektong ito na lalagyan talaga ng daanan. Imposible mangyari sa pamahalaan na gumawa ng pabahay na walang daanan ang mga residente," paniguro ni Cuña.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po. —Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.