Bus na susubok sa katapatan ng pasahero, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2018 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umarangkada na ang isang bus na susubok sa katapatan ng mga pasahero nito.

Hindi gaya ng ibang bus, walang konduktor na mangongolekta ng pasahe sa binansagang "honesty bus," na babaybay sa ruta mula Taytay, Rizal papuntang Maynila.

Sa halip, mismong mga pasahero ang inaasahang maghuhulog ng tamang pasahe sa isang kahon at pipilas ng kanilang bus ticket.

Sakaling hindi alam kung magkano, may fare matrix na maaaring maging sangguni.

Bagaman may mga nalito, mayroon din namang natuwa sa pagbabago.

"Magandang experience at least nalalaman ng tao na dapat magbayad ng exact and to be honest as well," anang pasaherong si Mercy Mata.

Ginawa umano ito ng kompanyang nagpapatakbo sa bus para matugunan ang maraming pasahero. Kakaunti raw kasi ngayon ang kanilang mga empleyado.

"Sa dami ng pasahero, kailangan namin magdagdag ng unit. Naintindihan naman talaga nila 'pag ganito, nasa kanila kung magbabayad sila nang tama o lolokohin nila sarili nila," anang bus inspector na si Cesar Togle.

Bukod sa disiplina, dala rin ng bagong sistema ang simpleng pakikipagkapwa-tao

Kuwento ng pasaherong si Eden Bozar, namroblema siya dahil buo ang pera niya pero natuwa nang may magpahiram sa kaniya.

"Kahit 'di kami magkakakilala, kahit 'di kami magkakaibigan, may mga tao pa rin palang matulungin kaya nagpapasalamat ako," aniya.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.