8 pumuga sa Bacoor jail balik-kulungan na

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2018 10:06 AM | Updated as of Jul 28 2018 10:07 AM

23 preso, hindi 22 na naunang inanunsyo ng pulisya, ang bilang ng mga pumuga

MAYNILA - Walong preso na ang naibalik sa kulungan matapos tumakas sa Bacoor City Custodial Center Biyernes. 

Apat sa mga ito ay may mga kasong kaugnay sa ilegal na droga habang mga kasong theft, robbery, frustrated murder at frustrated homicide ang kinakaharap ng iba pa.

 

Ayon kay Senior Supt. William Segun, Provincial Director ng Cavite Police, nang mag-headcount, nadiskubre rin na 23 na preso pala ang nakatakas, taliwas sa 22 na unang naianunsyo kahapon. 

Patuloy ang isinasagawang manhunt operations para mahuli ang 15 iba pang nakatakas na preso.

Inilabas na rin ng Cavite police ang mugshots ng mga nakatakas na preso at inabisuhan ang publiko na ipagbigay-alam agad sa kanila kung mayroong impormasyon ukol sa mga pugante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.