18 huli sa anti-criminality operations sa Tondo

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2018 10:44 AM

Nahuli ng awtoridad ang 18 na lumabag umano sa ordinansa o nahulihan ng droga sa isinagawang anti-criminality operations sa Tondo. Lyza Aquino, ABS-CBN News.

MAYNILA – Umabot sa 18 na lumabag umano sa mga ordinansa o nahulihan ng ilegal na droga ang naaresto sa isinagawang anti-criminality operations sa Tondo, Maynila.

Siyam sa inaresto ng mga pulis ay nahulihan ng ilegal na droga sa bahagi ng Balut at Happyland sa Tondo. Tatlo sa mga ito ay menor de edad. 

Umabot naman sa siyam na sachet ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa mga suspek.

Sa may C.P. Garcia naman dinampot ang isang kasambahay at tricycle driver na nahuling lantarang nagsusugal sa kalsada.

Samantala, pito naman ang hinuli na walang damit pang-itaas sa bahagi ng Herbosa, Tondo.

Pansamantalang nakakulong ang mga lumabag sa ordinansa sa Raxabago Police Station habang inaayos ang kanilang release forms. 

Mahaharap naman sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nahulihan ng droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.