Pag-ulan, asahan hanggang Sabado; 'Gorio', palabas na sa Linggo

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 04:05 PM | Updated as of Jul 28 2017 05:26 PM

Magpapatuloy pa rin ang pabugso-bugsong pag-ulan sa Metro Manila ngayong darating na Sabado, samantalang inaasahan namang bubuti na ang panahon sa darating na Linggo, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA). 

Patuloy na pinag-iibayo ni bagyong 'Gorio' ang hanging habagat o ang southwest monsoon, kaya maaasahang tuloy pa rin ang pag-ulan sa Luzon at sa kanlurang Visayas. 

Magkakaroon ng panaka-nakang pag-ulan pa rin sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, MIMAROPA, at CALABARZON ngayong Biyernes hanggang bukas ng Sabado. Pinag-iingat pa rin ng PAGASA ang mga nakatira sa mga nasabing lugar mula sa posibleng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa. 

Nakataas pa rin naman ang tropical cyclone warning signal number 1 sa Batanes kung saan magiging maulap ang panahon at maulan nang may pabugso-bugsong hangin. 

Delikado pa ring pumalaot ang maliliit na sasakyang pandagat sa katubigan sa kanluran ng hilagang at gitnang Luzon. Pinag-iingat naman ang malalaking sasakyang pandagat. 

Inaasahan namang makalalabas na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo bandang alas-8 ng umaga ng Linggo, at maaaring unti-unti nang bumuti ang lagay ng panahon sa araw na iyon. 

Sa ulat-panahon ng PAGASA nitong alas-11 ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyong 'Gorio' sa 360 kilometro mula silangan ng Basco, Batanes. 

Napanatili naman nito ang lakas ng hangin sa 105 kilometro kada oras, at may pagbugsong nasa 130 kilometro kada oras. Kumikilos naman ito nang pahilaga, hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras. 

Nagkansela na rin ng mga klase at trabaho sa ilang bahagi ng bansa bunsod ng mga pag-ulang dala ng bagyo. 

Samantala, isang tropical depression naman ang namataan sa West Philippine Sea sa 475 kilometro sa kanluran ng Calayan, Cagayan, ngunit nasa labas pa ito ng Philippine Area of Responsibility. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.