Opisina ng DOTr, inilipat na sa Clark mula Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 08:56 PM | Updated as of Jul 29 2017 03:08 AM

Inilipat na sa Clark, Angeles City, Pampanga ang bagong opisina ng Department of Transportation (DOTr) mula sa dati nitong tanggapan sa Mandaluyong.

Nag-umpisa na ngayong araw ang trabaho sa ilang departamento ng kagawaran kabilang ang opisina ni DOTr Secretary Arthur Tugade kahit hindi pa handa ang ibang pasilidad.

Ibinatay ang paglipat ng opisina ng DOTr sa rekomendasyon ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na dapat may mga opisina nang lumabas ng Metro Manila para makabawas sa trapiko.

Pero bago ang paglipat, tinutulan na ito ng unyon ng mga empleyado ng DOTr dahil sa mahaba nilang biyahe at epekto nito sa kanilang buhay-pamilya. 

Sagot ng DOTr, may opsiyon naman ang mga empleyado na gawing apat na araw sa isang linggo lang ang pasok at may libre ring shuttle buses na aalis sa Mandaluyong at Quezon City nang alas-5 at alas-6 ng umaga. Libre rin ang sakay paalis ng opisina.

Dalawa ang palapag ng bagong main building ng DOtr na dating opisina ng mga contact centers. 

Base sa kuwenta ng grupo ng mga empleyado, aabot sa P58 milyon ang maintenance sa bagong opisina kumpara sa dating P23 milyon sa tanggapan sa Mandaluyong. 

Depensa naman ng DOTr, mababawi naman nila ang gastos dahil ipaparenta ang mga pag-aaring opisina sa Columbia Tower. 

Target na mailipat ang halos 700 empleyado sa Clark bago matapos ang taon.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.