Lalaki, patay sa pananaksak sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 11:09 PM

Ang patalim na ginamit na panaksak sa isang lalaki sa Bacarra, Ilocos Norte nitong Huwebes.

Patay ang isang lalaki matapos itong pagsasaksakin sa isang palayan sa Barangay Corocor, Bacarra, Ilocos Norte nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima na si Alvin Jay Acupan Bacarra, 16, na pinagsasaksak ng mahabang patalim ng suspek na si Jaypee Cu.

Ayon sa pulisya, bago mangyari ang insidente, nag-iinuman sa isang videoke bar sa Barangay Corocor ang biktima kasama ang kanyang mga barkada nang masangkot ang isa sa mga kaibigan nito, na kinilalang si Marino Rabago, sa isang hindi pagkakaintindihan sa suspek na si Cu.

Itinulak umano ni Rabago ang suspek kaya nagalit ito hanggang sa umabot pa sa batuhan ng bote ng alak.

Matapos ang away sa loob ng videoke bar, agad tumakbo palabas ng bar si Rabago at sinundan ng biktima sa isang palayan, kung saan ito pinagsasaksak.

“Nag-umpisa sila after nagbayad ang isang grupo ng bills nila hanggang bigla na lang tumayo itong si Marino na parang siya ‘yung initially naging cause ng altercation nila kasi tinulak niya ‘yung isang kasamahan ng suspek,” ani Chief Insp. Relly Layug, hepe ng Bacarra Police Station. 

Agad isinugod sa ospital si Acupan pero pumanaw din habang ginagamot dahil sa mga sugat sa tiyan at kaliwang balikat.

Aminado naman si Rabago na itinulak niya ang suspek dahil naiingayan daw siya habang sila ay nag-iinuman.

Labis din ang paghihinagpis nito dahil sa pagkakadamay ng biktima.

Paliwanag naman ng suspek na nauna at kinursunaduhan o pinag-tripan daw sila ng grupo ng biktima.

“Inutusan ko ‘yung aking pinsan na magbayad na dahil napapansin ko na kinukursunadahan kami ng grupo nila. Sinundan naman nila ang aking kasama na nagbayad tapos binato kami ng note at noong lumabas ako, nakahanda na sila sa labas," ani Cu.

Nakipag-away at nakipagsuntukan si Cu sa grupo ng biktima pero hindi raw niya alam kung mayroon siyang nasaksak dahil sa kanyang sobrang kalasingan.

Agarang hustisiya ang hiling ng pamilya ng biktima. 

Dagdag nito, nadamay lamang ang biktima at hindi raw ito nakipag-inuman noong nasa videoke bar siya kung hindi kumakanta lamang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.