Dagdag-singil sa tubig sa Agosto, aprubado na

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 06:34 PM | Updated as of Jul 29 2017 02:13 AM

Bahagyang tataas ang singil sa tubig simula sa Agosto matapos aprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang hirit na dagdag-singil dulot ng paghina ng palitan ng piso kontra dolyar, yen, at euro.

Papatak na sa bill ng mga customer ng Maynilad ang dagdag-singil sa tubig sa Agosto 13 dulot ng tinatawag na foreign currency differential adjustment para sa 3rd quarter ng 2017.

Para sa customer ng Maynilad na may average na konsumo na 10 cubic meter pababa kada buwan, P0.13 ang magiging dagdag-singil sa water bill. 

Nasa P0.48 naman ang dagdag-singil sa mga kumukonsumo ng 20 cubic meter kada buwan habang P0.99 sa may average na konsumo na 30 cubic meter. 

Sa Agosto 13 din papatak ang dagdag-singil para sa mga customer ng Manila Water. 

Magkakaroon ng 1.12 porsiyento na dagdag o P0.28 kada cubic meter na dagdag-singil para sa mga sineserbisyuhan ng Manila Water.

Dahil dito, may dagdag na P1.46 para sa mga kumukunsumo ng 10 cubic meters kada buwan habang P6.61 naman para sa mga umaabot ng 30 cubic meters sa isang buwan.

Hulyo pa dapat nagsimula ang galaw sa foreign currency differential adjustment pero ipinagpaliban ito ng MWSS board.

Pinag-aaralan din ng MWSS ang hirit na dagdag sa basic charge ng Maynilad at Manila Water na kapag naaprubahan ay magiging dagdag sa pasanin ng mga consumers.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.