Baha, isinisi sa basura sa estero

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 09:06 PM | Updated as of Jul 29 2017 03:12 AM

Lumubog sa baha ang ilang parte ng Metro Manila kahapon dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.

Tambak ang basura sa mga estero na dahilan ng matinding baha, reklamo ng mga residente ng Barangay 187 at 189 sa Maynila.

Muli namang nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority sa mga residente na magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura.

Panawagan ni MMDA Supervisor Bong Nebrija, dapat ay iwasan na ang pagtatapon ng basura sa Maypajo creek dahil nagiging sanhi ito ng pagbaha sa R. Papa sa Rizal Avenue.

Depensa naman ng barangay, hindi umano sila nagpabaya sa kalinisan. Araw-araw din daw ang pagdaan ng trak ng basura para maghakot.

Paliwanag naman ng MMDA, nanggagaling ang mabigat na volume ng basura sa Quezon City at Caloocan.

Umaabot sa tatlong trak ng basura ang nahahakot ng MMDA sa Maypajo creek kada araw.

Isa pang problemang binabanggit ng MMDA ay ang mababang clearance ng tulay sa Rizal Avenue na sanhi ng hindi pag-agos ng tubig kaya natatambak ang basura.
 
Hindi na ito maaaring taasan dahil maapektuhan na ang light rail transit (LRT).

Iminungkahi naman ng MMDA sa Department of Public Works and Highways na lagyan ng box culvert o buksan at ayusin ang iba pang puwedeng daluyan ng tubig ng estero.

Malaki rin ang epekto ng mga informal settlers sa tabi ng estero.

Nananawagan naman ang ilang residente na tuluyan nang ipagbawal ang paggamit ng plastic at styrofoam para makabawas sa basura.

Tone-toneladang basura, nahakot sa Manila Bay

Samantala, nasa anim na toneladang basura ang nahakot maghapon sa Manila bay.

Ayon sa Department of Public Services ng Manila City Hall, nagmula sa Cavite ang mga basura at posibleng umabot pa sa sampung tonelada hanggang ngayong weekend.

Nadismaya naman ang ilang turistang dayuhan na napadaan sa Manila Bay dahil sa mga nakitang basura.

Bukod sa sari-saring basura, tinangay din ng alon sa Manila Bay ang isang baklad.

Hinatak ito ng ilang lalaki papalapit sa pampang para mapakinabangan ang mga kahoy at kawayan at mga nakakapit na tahong.

Kahit nagkasugat-sugat at hiwa sa katawan, hindi nila ito ininda para lang makuha ang kilo-kilong tahong.

Paliwanag nila, mas mabuti ang kanilang ginagawang pangunguha ng tahong kaysa magnakaw para lang may makain.

-- Ulat nina Zyann Ambrosio at Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.