Road rage suspect may masamang reputasyon sa barangay?

Jamaine Punzalan, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2016 08:09 AM

MANILA - Isiniwalat ng Manila Police District (MPD) ang umano'y hindi magandang reputasyon sa barangay ng pangunahing suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang siklista sa Quiapo, Manila noong Lunes.

Ayon kay MPD Homicide Division chief Senior Insp. Rommel Anicete, kilala ang suspek na si Vhon Martin Tanto sa hindi pagsunod sa mga opisyal ng Barangay 385, Zone 39 sa Quiapo.

"Minsan kapag nililinis nila iyung kalye nila or siguro kapag barangay activities, hindi siya nag-aalis ng sasakyan. Pinapabayaan niya na nandoon lang," ani Anicete.

Pinabulaanan naman ito ng residenteng si Pipay Regemio, na dalawang taon nang kapitbahay ni Tanto.

Kwento niya sa radyo DZMM, mabait at tahimik ang supek.

Wala rin anya siyang natatandaang anumang insidente na naglabas ito ng baril sa barangay.

Miyerkules nang pangalanan ng MPD si Tanto bilang pangunahing suspek sa pagpatay sa bicycle rider na si Mark Vincent Geralde dahil sa away-trapiko.

Nakuhanan ng CCTV camera ang suntukan ng biktima at suspek na sakay ng Hyundai Eon.

Nang matapos ang suntukan, lumakad na palayo si Geralde pero sinundan siya at malapitang pinagbabaril ni Tanto.

Dead-on-the-spot ang biktimang nagtamo ng limang tama ng baril habang nananatili namang kritikal ang isang estudyanteng tinamaan ng ligaw na bala.

Binigyan ng MPD si Tanto ng hanggang alas-5 Miyerkules ng hapon para sumuko, pero lumipas ang palugit nang hindi lumulutang ang suspek.

Dahil dito, ipinag-utos ni MPD Director Senior Supt. Joel Coronel ang paglulunsad ng manhunt operations laban sa suspek.

Idiniin ng pulisya ang pagiging mapanganib ni Tanto na isang dating Army reservist at armado ng dalawang kalibre .45 na baril at isang kalibre .40 na pistol.

"He is considered armed and extremely dangerous, as seen in the video. So extreme care and precaution will be used by the police in order to neutralize and use deadly force against him, if necessary," sabi ni Coronel.

"The whole strength of the Manila Police District will go after him. Dead or alive, we want him."

Sa ngayon, nanatiling abandonado at naka-kandado ang bahay ng suspek sa Quiapo.

Wala rin dito ang buntis na asawa ni Tanto at ang kanilang tatlong batang anak na babae.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng MPD sa mga dating kasamahan ni Tanto sa Commmunity Defense Center sa Caloocan para matunton ang kanyang pinagtataguan.

Sa panayam ng DZMM, binanggit ni MPD spokesperson Supt. Marissa Bruno na hindi na aktibo sa serbisyo bilang Army reservist si Tanto, mula pa noong Enero 25, 2015.

Kinukumpirma pa rin anya ng pulisya kung mayroong permit to carry ang suspek para sa kanyang mga baril.

Nanawagan si Bruno sa publiko na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyon ukol sa suspek.

"Sa ating mga kababayan na pwedeng makipagturo, gaya na lang po ng nakita nila sa CCTV, pwede nating sabihin na talagang dangerous po ang taong ito dahil siya po ay armed."

-- May mga ulat nina Dennis Datu, DZMM; Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.