2 umano'y gun-for-hire, napatay sa Navotas Fish Port

Zhander Cayabyab, DZMM

Posted at Jul 28 2016 10:52 AM

MANILA - Dalawa ang patay sa operasyon kontra sa iligal na kalakaran ng baril at gun-for-hire group sa Navotas Fish Port, Huwebes.

Isisilbi sana ng police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang search warrant sa isang compound sa Bulungan Avenue, kung saan naglalagi ang mga suspek.

Pero sa halip na sumuko, nanlaban umano ang mga suspek na nagbunsod sa palitan ng putok.

Kabilang sa mga napaslang si Junjun Tibay, ika-apat na most wanted personality ng lungsod at may existing na warrant of arrest para sa kasong murder.

Nakilala ang isa pang nasawing suspek na si Roman Apeta.

Narekober sa dalawa ang kalibre .45 at kalibre .38 na mga baril gayundin ang ilang pakete ng hinihinalang shabu.

Isang lumang kotse sa loob ng compound ang nakitaan ng samu't saring bala ng baril.

Walang nasaktan sa panig ng pulisya.

Nasa lugar na ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa mas malalimang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.