PatrolPH

5 patay, 3 nawawala sa pagbagsak ng tulay sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2022 05:23 PM | Updated as of Jul 27 2022 08:31 PM

Watch more News on iWantTFC

Patay ang limang lalaki habang tatlo ang pinaghahanap pa matapos bumagsak ang tulay na tinatambayan nila sa Dasmariñas City, Cavite, gabi ng Martes.

Pasado alas-9 ng gabi nang bumagsak ang tulay sa may Sitio Talisayan, Barangay Sampaloc IV, na noo'y tinatambayan ng 13 kabataan.

Agad nasagip ng mga awtoridad at naitakbo sa ospital ang lima, na nagtamo ng minor injuries.

Natagpuan umaga ng Miyerkoles ang bangkay ng isang 17 taong gulang na lalaki.

Bandang alas-7 ng gabi Miyerkoles, kinumprima naman ng pulisya na nakuha ang apat pang bangkay ng mga kabataan na naunang pinaghahanap matapos ang insidente.

Tatlo pa ang hinahanap sa ilog, na posible umanong naipit sa mga bakal at bato.

"'Yong anak ko, nalaglag sa may tulay, nabagsakan ng bato... Magpakita ka na anak," sabi ni Felicia Villanueva, magulang ng isa sa mga nawawala.

"Hindi pa nakuha hanggang ngayon. Awang-awa na kami sa mga anak namin doon sa baba," sabi naman ni Dennis Wee, na may 15 anyos na anak na nawala rin sa insidente.

Ayon sa isang magulang, matagal nang pinagbawalan ang mga kabataan na tumambay sa tulay.

Panahon pa umano ng pananakop ng bansang Japan nakatayo ang bakal na tulay at matagal na ring hindi nagagamit.

Binigyan ng lokal na pamahalaan ng pagkain at relief packs ang mga pamilya ng mga namatay at nawawala pa.

Ayon kay Mayor Jenny Barzaga na bumisita sa lugar, sasagutin ng lokal na pamahalaan ang gastusin sa pagpapaburol at pagpapalibing sa mga namatay.

— Ulat nina Dennis Datu at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.