PatrolPH

Pulis na rider ng motorsiklo, patay matapos bumangga sa multicab

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2021 11:58 PM

Isang pulis ang nasawi matapos bumangga ang minamanehong motorsiklo sa kasunod na multicab sa national highway ng Barangay San Antonio, sa bayan ng Mabini, Davao de Oro Lunes ng gabi.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, parehong binabaybay ng motorsiklo at multicab ang kalsada patungong Mati City, Davao Oriental.

Pagdating sa lugar ng aksidente, bigla na lang umanong binangga ng motorsiklo ang likurang bahagi ng multicab.

Sugatan ang pasahero ng multicab at ang rider ng motorsiklo na si Patrolman Jeswin Mindo, 25 taong gulang.

Pero dead on arrival na sa Pantukan District Hospital ang pulis.

Nakakustodiya sa Mabini PNP ang driver ng truck na maaaring haharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

- ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.